By Atty. Sonny Matula
FFW President
Bakit sinasalungat namin ang online participation sa pagpanday ng batas?
Simple lang ang sagot ng manggagawa:
“Kung magpapanday ng bahay, ang karpintero ay dapat nasa worksite. Kung magpapanday ng batas, ang mambabatas ay dapat nasa Batasan — hindi sa taguan, bakasyon, o teleconference na mistulang palusot lamang.”
Ang Senado ay hindi ordinaryong group chat, webinar, o Zoom meeting. Ito ay institusyong gumagawa ng batas na may direktang epekto sa buhay ng mamamayan. Ang deliberasyon ay nangangailangan ng aktuwal na presensya, pananagutan, at tapang na humarap sa kapwa mambabatas at sa taumbayan.
Babala ng NAGKAISA Labor Coalition: ang pagpapayag sa remote voting o online participation sa ganitong sitwasyon ay maaaring “mag-normalize ng patuloy na pag-iwas sa lawful arrest o pagliban sa opisyal na tungkulin ng mga opisyal na nahaharap sa seryosong kasong kriminal.”
Kung may pandemya, kalamidad, o force majeure, ibang usapan iyon. Ngunit ang pagtatago sa pananagutan ay hindi force majeure.
Hindi dapat gawing “work from hiding ” o “work from jail” arrangement ang Senado.
Sa ordinaryong manggagawa, kapag hindi pumasok, may memo. Kapag paulit-ulit umabsent, may suspension o tanggalan. Nakapagtataka kung bakit ang ilang opisyal ay gustong manatiling sumesweldo habang gustong magtrabaho mula sa pagtatago.
Ang batas ay hindi dapat ipinapanday sa anino ng pag-iwas, kundi sa liwanag ng pananagutan.
