NAG-uumapaw ang sigawan, mahigpit na yakapan at masasayang ngiti sa mga lansangan ng Singapore nang salubungin si Sen. Ramon Bong Revilla, Jr. nang mainit na pagtanggap mula sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa kanyang pagbisita sa Lion City. Layunin ng kanyang pagbisita na personal na kumustahin ang kanilang kalagayan at talakayin ang kanyang mga panukalang batas at adbokasiya.
Dagsa ang mga Pilipino upang makita at makilala siya nang personal—ang iba ay nagnanais makipagkamay, mayakap siya, at ipahayag ang kanilang taos-pusong pasasalamat sa kanyang pagbisita at walang sawang pagsuporta sa mga OFW. Sa kabila ng limitadong oras, naglaan si Bong Revilla ng pagkakataon upang makisalamuha sa mga kababayang nagtatrabaho at naninirahan sa Singapore.
“Ang mga sakripisyo ng ating mga OFW ay hindi matutumbasan, at ang kanilang pagsisikap ay nagsisilbing pundasyon ng pag-unlad ng ating bayan—sila ang tunay na makabagong bayani. Narito tayo hindi lang upang makasama sila kundi upang mas mapakinggan pa ang kanilang pangangailangan at tiyakin na may gobyernong nagmamalasakit sa kanila,” ani ng senador.
Noong Sabado (Marso 8), nakipagpulong si Bong Revilla sa mga lider ng iba’t ibang organisasyong Pilipino upang kumonsulta at ibahagi ang mga kasalukuyang inisyatiba niya sa Senado. Kanyang ipinunto ang mga panukalang batas na kanyang isinulong at ngayon ay nakikinabang na ang maraming Pilipino, kabilang ang “Kabalikat sa Pagtuturo Act” (RA 11997), “Anti-No Permit, No Exam Policy Act” (RA 11984), “Free College Entrance Examination Act” (RA 12006), “Expanded Centenarians Act” (RA 11982), at ang “Permanent Validity of the Certificates of Live Birth, Death, and Marriage Act” (RA 11909).
Ibinahagi rin niya kung paano patuloy niyang ipinaglalaban ang mga karapatan at kapakanan ng mga OFW. Siya ay isa sa mga may-akda ng RA 10002 o ang “Migrant and Overseas Filipinos Act of 2009,” na naglalayong bigyan ng mas matibay na proteksyon ang mga OFW na naghahanap ng mas magandang oportunidad sa ibang bansa. Isa rin siya sa mga nag-akda ng RA 11641, na lumikha sa Department of Migrant Workers.
Bilang bahagi ng kanyang patuloy na pagsulong sa kapakanan ng mga OFW, ipinaliwanag ng senador ang kanyang mga panukalang batas upang higit pang matulungan ang mga Pilipino, saan man sila naroroon. Inihain niya ang SBN 1512 o ang “Bagong Bayani Ward Act” upang tiyakin na ang mga pampublikong ospital ay magkakaroon ng nakalaang ward para sa OFWs. Dahil mahalaga ang kanilang ipinapadalang pera hindi lamang sa kanilang pamilya kundi sa ekonomiya ng bansa, inihain din niya ang SBN 985 upang maprotektahan ang kanilang remittances laban sa mga mapagsamantala.
Sa ilalim naman ng SBN 265 o ang “Overseas Filipino Workers Credit Assistance,” nais ni Revilla na mabawasan ang pasaning pinansyal ng mga OFW, na madalas kailangang gumastos ng malaki bago makapagtrabaho sa ibang bansa. Sa panukalang ito, magkakaroon ng pautang na may mababang interes na hindi lalagpas sa 6% kada taon, na maaaring bayaran sa loob ng 12 hanggang 24 na buwan.
Samantala, sa SBN 1280 na kanyang inihain, nais niyang gawing libre sa ilalim ng PhilHealth ang mga diagnostic, laboratory, at iba pang pagsusuring kinakailangan para sa kanilang employment.
Kinabukasan, nagdaos ang senador ng isang biglaang meet-and-greet session sa Lucky Plaza Mall sa Orchard Road, kung saan mainit siyang sinalubong ng dagsang Pilipino na nagpahayag ng kanilang suporta at pasasalamat.
Bilang isang lingkod-bayang may malasakit sa tunay na buhay, sinamantala niya ang pagkakataon upang makinig sa kanilang mga kwento, sagutin ang kanilang mga alalahanin, at iparating ang kanyang mensahe ng pagkakaisa at pag-asa.
“Napakasarap sa pakiramdam na madama ang pagmamahal at suporta ng ating mga kababayan dito sa Singapore. Lalo nitong pinatatatag ang aking paninindigan na patuloy na pagsilbihan at ipaglaban ang kapakanan ng ating mga kababayan, saan mang panig ng mundo,” saad ni Sen. Bong.
Ang kanyang pagbisita ay isang patunay ng matibay na ugnayan sa pagitan ng senador at ng mga Pilipino sa ibang bansa. Sa kabila ng distansya, ipinakita ng ating mga kababayan sa Singapore ang kanilang mainit na pagtanggap, suporta, at pasasalamat sa kanyang malasakit at pagsisikap para sa kanila.
Bago tuluyang lumisan, taos-pusong nagpasalamat si Bong Revilla sa mainit na pagtanggap at tiniyak sa mga OFW na mananatiling pangunahing layunin ng kanyang panunungkulan ang pagsuporta sa kanilang mga pangangailangan at tagumpay. (Rodel Fernando)