Hindi man magkakapareho ang kanilang pinagdaraanan, iisa ang nag-uugnay sa kanila—ang pagmamahal sa pamilya!
Ito ang naging sentro ng makabuluhang paglulunsad ng AMÈLA, ang bagong brand na itinatag ng content creator at entrepreneur na si Jenela May Cachero, na mas kilala bilang Jenela in Japan.
Pormal na inilunsad ang AMÈLA sa isang grand launching event at press conference noong October 8, 2026, sa Gimenez Gallery, University of the Philippines, Quezon City.
Pero higit pa sa pagpapakilala ng bagong produkto, naging emosyonal at makahulugan ang nasabing pagtitipon dahil sa tampok nitong Museum of Parenthood, kung saan ipinakita ang personal na kuwento ng 12 pamilya na may iba’t ibang karanasan sa pagpapalaki ng mga anak at pag-aaruga sa kanilang mga mahal sa buhay.
May mga mag-asawang dumaan sa hirap ng in vitro fertilization (IVF) bago magkaroon ng anak, mga pamilyang magkakahiwalay dahil sa pagtatrabaho sa ibang bansa, single parents na mag-isang humaharap sa responsibilidad ng pagpapalaki ng mga anak, at mga lolo’t lola na muling naging magulang sa kanilang mga apo.
Hindi rin nagpahuli ang kuwento ng mga pamilyang nag-aaruga ng mga batang may special needs.
Bawat isa ay may kuwentong maaaring makapagpatulo ng luha, magbigay-inspirasyon at magpaalala na hindi nasusukat sa iisang paraan ang pagiging magulang.
Sa likod ng bawat pamilya ay may mga sakripisyo, pagsubok, pangarap at pagmamahal na hindi matatawaran.

Sa pamamagitan ng kampanyang ito, nais ipakita ng AMÈLA na walang perpektong pamilya at walang iisang hulmahan sa pagiging magulang. Magkakaiba man ang kanilang sitwasyon, nagkakaisa naman sila sa pagmamahal at pag-aaruga.
Ayon kay Jenela, nagsimula ang AMÈLA sa simpleng pangarap na makalikha ng mga produktong hindi lamang maganda ang disenyo kundi tunay na makatutulong sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga magulang.
Kabilang sa unang koleksiyon nito ang baby carriers at bags para sa mga nanay at tatay, na idinisenyo upang maging praktikal at kapaki-pakinabang sa kanilang daily routines, paglalakbay at pag-aalaga sa mga anak.
Hindi rin basta slogan ang tagline nitong “Made with Love” dahil nais ng brand na maiparamdam na may malasakit at pag-unawa sa bawat produktong kanilang nililikha.
Kasabay ng paglulunsad, opisyal ding ipinakilala ang 12 pamilya bilang ambassadors ng AMÈLA. Sinundan ito ng signing ceremony na dinaluhan ni Jenela kasama ang mga miyembro ng Board of Directors at executive team ng brand.
Naging bahagi rin ng espesyal na pagtitipon ang isang obra ni Filipino painter at art educator Fernando Sena, na nagsilbing centerpiece ng Museum of Parenthood. Tampok sa painting ang koneksiyon ng pamilya, mga alaala at pinagsasaluhang karanasan.
Nagkaroon din ng media question-and-answer session upang masagot ang mga katanungan tungkol sa konsepto, adbokasiya, unang koleksiyon at mga susunod pang plano ng AMÈLA.
Sa closing remarks ni Dr. Mary Cruz, miyembro ng Board of Directors ng AMÈLA, nagpasalamat siya sa 12 ambassador families na buong-pusong nagbahagi ng kanilang mga personal na kuwento.
Nagpaabot din siya ng pasasalamat kay Fernando Sena para sa makabuluhang artwork, gayundin sa media partners, guests, collaborators at lahat ng naging bahagi ng matagumpay na paglulunsad.
Binigyang-diin ni Dr. Cruz na nais ng AMÈLA na maging isang brand na nakikinig sa pangangailangan ng mga pamilya at lumilikha ng mga produktong may malasakit at tunay na pakinabang sa araw-araw.
Para kay Jenela, simula pa lamang ito ng mas malaking misyon ng AMÈLA.
Hindi lamang basta baby carriers at bags ang nais nilang ipakilala sa merkado. Hangad din nilang maging bahagi ng buhay ng mga magulang at pamilyang may kanya-kanyang kuwento at pinagdaraanan.
Sa huli, napatunayan sa paglulunsad ng AMÈLA na sa kabila ng magkakaibang sitwasyon, iisa ang pinakamahalagang sangkap ng isang pamilya—ang pagmamahal.
At iyan ang mensaheng nais iparating ng AMÈLA sa pamamagitan ng kanilang “Made with Love” campaign. (Rodel Fernando)
