Tumaas ang bilang ng mga taong nasugatan dahil sa paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon ngayong 2023, ayon sa Department of Health (DOH)-Calabarzon.
Pumalo sa 26 ang naitalang nasugatan sa Calabarzon region dahil sa paputok nitong December 21, 2022 hanggang January 1, 2023. Sakop ng rehiyon ay binubuo ng mga lalawigan nang Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon.
Katumbas ito ng 189 porsiyento na pagtaas mula sa limang kaso na naitala sa rehiyon noong pagsalubong sa taong 2022.
“Inaasahan naman na po natin ang pagtaas ng kaso ng fireworks-related injuries ngayong pagsalubong sa Bagong Taon matapos ang mahigit dalawang taon na mahigpit na quarantine,” ani Dr. Ariel Valencia, DOH-Calabarzon regional director.
Ayon kay Valencia, 77 porsiyento sa mga naputukan ay ay mga lalaki at may edad mula 6 taong gulang hanggang 65 taong gulang.
Karamihan rin sa mga naitalang kaso ng firecracker-related injuries ay nagmula sa pagsindi ng mga ipinagbabawal na paputok gaya ng kwitis (28 porsiyento), boga o improvised cannon (19 porsiyento), whistle bomb (12 porsiyento), five star (8 porsiyento), at piccolo (8 porsiyento).
Walong porsiyento naman ang nasabuyan ng hindi matukoy na mga paputok habang apat na porsiyento ang tinamaan ng fountain.
Wala namang naitalang kaso ng pagkamatay dahil sa paputok at ligaw na bala. (Marianito Lumayno)
