Ginawaran ng prestihiyosong “Platinum Paw Award” ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS) ang Manila Electric Company (Meralco), na pinamumunuan ni Manuel V. Pangilinan, bilang pagkilala sa kontribusyon ng kumpanya sa pagsusulong ng kapakanan ng mga hayop.
Ito ang pinakamataas na pagkilalang ibinibigay ng grupo sa mga indibidwal at organisasyong nagpakita ng walang kapantay na suporta sa mga adbokasiya para sa kapakanan ng mga hayop, na naaayon sa adbokasiya ng PAWS na mapabuti ang buhay ng mga hayop sa buong Pilipinas.

Iginawad ang naturang parangal sa taunang pagsasalo ng PAWS na ginanap noong Enero 26.
Ayon kay PAWS Executive Director Atty. Anna Cabrera, isinasabuhay ng Meralco ang pagsusulong ng kapakanan ng mga hayop sa ating bansa, at umaasa ang grupong tutularan ito ng iba pang kumpanya sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga patakaran para sa pangangalaga ng mga hayop bilang bahagi ng kani-kanilang kultura at polisiya.
Dagdag pa niya, sinusuportahan na ng Meralco ang PAWS simula pa noong 2001 sa pamamagitan ng pagpapahintulot na maitayo ang kanilang animal shelter sa lugar na pagmamay-ari ng Meralco sa Quezon City. Sa loob ng ilang dekada, ang Meralco ang naging pinakamalaking donor ng adbokasiya ng PAWS, na nagbigay ng tirahan para sa mga hayop na biktima ng pang-aabuso at lugar para sa low-cost spay-neuter clinic ng PAWS.
May sariling programa ang Meralco para sa sa pagsusulong ng kapakanan ng mga hayop na tinatawag na “CATropa.” Layunin nitong magkaroon ng ligtas na kapaligiran para sa mga hayop sa komunidad. Bahagi din ng programa ang kampanyang “Spay It Forward” kung saan nagsasagawa ang kumpanya ng Trap, Neuter, Vaccinate, Return (TNVR) na mga aktibidad sa loob at labas ng Meralco.
Tinanggap ang parangal sa ngalan ng Meralco ni Michelle Caguioa, Animal Welfare Program Manager at Head of Advocacy Communications Management. Ayon kay Caguioa, malaking karangalan para sa Meralco ang makatanggap ng Platinum Paw Award.
Naging insipirasyon ang naturang pagkilala sa dedikasyon ng Meralco na magpatupad pa ng mga kampanyang magsisuguro ng maayos na kondisyon ng mga hayop sa mga komunidad na nasasakupan ito.
Kabilang ang Meralco sa mga nangunguna sa pangangalaga sa kapakanan ng mga hayop at umaasa sa pakikipagtulungan sa mga organisasyon at indibidwal na may parehong layunin upang lumikha ng isang kinabukasan kung saan parehong uunlad ang tao at hayop.
