MALVAR, Batangas — Nalambat na rin sa wakas ng mga awtoridad ang tinaguriang “most wanted person” ng CALABARZON dakong alas-12:02 ng tanghali kahapon ng Hunyo 8, 2022.
Sa ulat ni Batangas PPO Provincial Director, PCOL GLICERIO C CANSILAO kay PRO CALABARZON Regional Director, PBGEN ANTONIO C YARRA, kinilala ang suspek na si Edsel Millave y Tapay, 41, driver at residente ng Brgy, Poblacion, Malvar, Batangas.
Natuntun ang suspek matapos makatanggap ng tip ang pulisya hinggil sa kinaroroonan ng suspek dahilan upang mabilis na magsagawa ng beripikasyon ang kapulisan ng Malvar.
Nang lumabas na positibo ang tip ay doon na ikinasa ang operasyon na nauwi sa pagkakaaresto kay Millave ng pinagsamang pwersa ng mga operatiba ng Malvar Municipal Police Station at mga miyembro ng 3rd Maneuver Platoon, Batangas Provincial Mobile Force Company sa Brgy Bagong Pook, Malvar, Batangas.
Naaresto ang suspek sa bisa ng Warrant of Arrest na inisyu ng Regional Trial Court Branch 83, Tanauan City Batangas, para sa kasong murder na may petsang Hunyo 3, 2022 at walang inirekmomendang piyansa.
“Hindi tumitigil ang kapulisan sa pagtugis sa mga wanted sa batas. Ano man pong mahahalagang impormasyon tungkol sa mga taong ayaw pagbayaran ang kanyang kasalanan sa tao at sa batas ay ipagbigay-alam lamang ninyo sa mga awtoridad” wika ni PBGen Yarra. Ogima)
