by Rodel Fernando
May-December romantic drama ang tema ng pelikulang X and Y na pinagbibidahan nina Ina Raymundo at Will Ashley.
Sa totoong buhay, halos 27 years ang agwat nina Ina at Will sa isa’t isa. 48 years old ang aktres habang 21 naman ang edad ng batang aktor.
Aminado si Will na kinabahan siya at nahiya lalo na nung kinunan ang mga maseselang eksena nila ng dating Sabado Nights Girl.
“Nahiya po ako, pero ang nasa loob ko po talaga nun, kung mahihiya ako mag-uulit-ulit, e. So gagawin ko na lang talaga ‘yung best ko para isang magandang take na lang talaga,” pakli niya sa interbyu.

In fairness, inalalayan naman sila ng direktor ng pelikula ni Adolf Alix, Jr. kaya naging maganda ang kinalabasan ng mga intimate scenes.
Kuwento pa nga ni Will, matagal na raw siyang hindi nakagawa ng love scene sa kanyang mga proyekto.
Istorya ni Ysha ang X and Y na tungkol sa isang 46-year-old na babae na ginagampanan ni Ina Raymundo na nagkaroon ng kaugnayan kay Xander, isang binata na ginampanan ni Will Ashley.
Umikot ang kuwento sa una sa pagkakakilala sa isa’t isa hanggang sa may buong kakaibang damdamin sa pagitan nila at ito ang dapat alamin kaya dapat panoorin ang pelikulang ito na palabas na sa mga sinehan nationwide.
Speaking of Ina, ngayong natapos na niya ang kanyang mga showbiz commitments, fly muna siya sa Canada para magpahinga. Kasama na rin dito ang pananabik niya sa kanyang mga anak. Matagal rin ang pag-stay ng aktres sa Pinas dahil sa trabaho lalo na ang sinamahan niyang teleserye na Can’t Buy Me Love. Pero sabi nga niya ay babalik siya agad-agad dahil gustung-gusto niyang magtrabaho.
Kung nakatrabaho niya ang DonBelle, sinabi niya na feel din niyang makasama sa project sina Paulo Avelino at Kim Chiu.
