ABUYOG, LEYTE — Matapang na tumindig ang mga kabataan ng Abuyog sa isang bukas at sama-samang panawagan para sa tunay na pagbabago sa lokal na pamahalaan.
Ipinahayag nila ang matibay na paninindigan laban sa pamamayani ng mga dinastiyang politikal at isinulong ang adbokasiya para sa makabuluhang edukasyon sa politika, gayundin ang kampanya laban sa ilegal na droga.
Pormal nang inilunsad ng mga kabataang Abuyognon ang organisasyong Youth Empowered to Serve and Lead (YES) — isang progresibo at inklusibong samahan na binubuo ng mga estudyante at out-of-school youth sa bayan ng Abuyog.
Layunin ng YES na palakasin ang partisipasyon ng kabataan sa mga kampanyang pangkomunidad, lalo na sa mga isyung may kinalaman sa kalusugan, karapatan, at droga.
Sa pamamagitan ng mga talakayan, aktibidad, at kampanyang pangkaalaman, pinalalakas ng YES ang boses ng kabataan sa laban kontra ilegal na droga, pang-aabuso, at kawalang-malay sa politika. Higit pa rito, isinusulong nila ang matagal nang minimithing pagbabago sa pamumuno sa Abuyog.
Nagpahayag naman ng buong suporta ang Team Gacis-Valero sa mga miyembro ng YES, at kinilala ang kanilang tapang at dedikasyon. Ayon sa kanilang pahayag:
“Buo ang aming tiwala na ang kabataang ito ang magiging huwaran ng makabago at makataong pamumuno sa Abuyog.”
Isang makapangyarihang mensahe ng pagbati at inspirasyon ang iniwan ng grupo:
“Mabuhay ang kabataan ng Abuyog! Iwaksi natin ang lumang sistema—para sa isang Bagong Abuyog!”
Taglay ang adhikaing magdala ng pagbabago mula sa halos pitong dekadang pagkakalugmok ng bayan sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, ang Team Gacis-Valero ay binubuo nina: board member Boboy Gacis (#1) para mayor; Tet Valero (#3) para vice mayor; at mga konsehal na sina Manny Camposano (#5), Allen Elmido Sr (#8), Doc Amy Gacis (#9), Gerry Loreno (#12), Atty Roy Perez (#18), Patpat Risos (#19), at Sir Rodgie Sombilon (#22).
Sa kanyang social media, binigyang-diin ni Gacis ang kanyang paninindigang magsilbi nang tapat at epektibo sa publiko — may malinaw na layunin para sa positibong pagbabago, at may napatunayang kasaysayan ng liderato at malasakit sa bayan. Siya ay tumatakbo bilang alkalde na may layuning iahon ang pamayanan tungo sa mas maayos na bukas.
Sigaw ng kanilang kampanya: “ABUYOG, PANAHON NA!”