Isang makabuluhang selebrasyon ng karunungan, pananampalataya, at paglilingkod ang naging tampok sa pormal na paglulunsad ng pinakabagong aklat ni Public Attorney’s Office (PAO) Chief Dr. Persida V. Rueda-Acosta, na pinamagatang Laws of Life: A Collection of Timeless Wisdom Beyond the Law. Ginanap ang book launch noong Hulyo 14 sa The Manila Hotel, na dinaluhan ng mga opisyal ng pamahalaan, miyembro ng legal profession, pamilya, kaibigan, at mga tagasuporta.
Hindi tulad ng kanyang mga naunang aklat na nakasentro sa batas at jurisprudence, ang Laws of Life ay naglalaman ng mga personal na pagninilay, inspirasyonal na mensahe, at mahahalagang aral na kanyang natutunan sa halos apat na dekadang paglilingkod bilang abogado at lingkod-bayan.

Tampok sa aklat ang mga paksa tungkol sa pananampalataya, pamilya, integridad, malasakit, kababaang-loob, at serbisyo publiko—mga pagpapahalagang pinaniniwalaan ni Acosta na mahalaga hindi lamang sa propesyon ng batas kundi maging sa pang-araw-araw na pamumuhay ng bawat Pilipino.
Ayon kay Acosta, iniaalay niya ang Laws of Life sa lahat ng Pilipino, lalo na sa mga kabataan, pamilya, at senior citizens, at umaasang magsisilbi itong gabay sa pagharap sa mga pagsubok ng buhay nang may pananampalataya, katatagan, habag, at pag-asa.
Binigyang-diin din niya na bagama’t ang batas ang nagpapanatili ng kaayusan sa lipunan, ang tunay na karunungan at mabuting pagpapahalaga ang siyang gumagabay sa puso, isip, at mga desisyon ng bawat tao.
Naging makabuluhan din ang programa sa pamamagitan ng isang audio-visual presentation na naglahad ng kanyang buhay at mahigit apat na dekadang karera sa serbisyo publiko, kasunod ang pormal na unveiling ng aklat at ang kanyang mensahe ng pasasalamat at inspirasyon sa mga dumalo.
Sa pamamagitan ng Laws of Life, muling ipinakita ni PAO Chief Persida Acosta ang kanyang hangaring magbahagi hindi lamang ng kaalaman sa batas, kundi pati ng mga aral sa buhay na maaaring magsilbing inspirasyon sa bawat Pilipino tungo sa isang makabuluhan at makataong pamumuhay.
(Rodel Fernando)
