BATANGAS City — Umabot sa 298 na indibidwal ang naaresto ng mga operatiba ng Batangas Police Provincial Office sa pamumuno ni Director PCol Glicerio Cansilao sa patuloy na pagsasagawa ng simultaneous anti-criminality law enforcement operations (SACLEO) na nagsimula noong Lunes, Mayo 18, 2022 at nagtapos noong Mayo 27, 2022.
Nasa 97 wanted persons ang nahuli sa bisa ng mga inihaing warrant of arrests at 38 dito ay tinaguriang Most Wanted Persons (MWP), pito (7) ang kabilang sa MWP regional level, 14 sa MWP provincial level, 17 naman ang kabilang sa MWP city/municipal level.
Sa 102 na mga operasyon kontra ilegal na droga, 115 na drug personalities ang nahuli habang tinatayang 61.95 gramo ng shabu at 21.1 gramo ng marijuana na may kabuuang P424,512 halaga ang nakumpiska sa siyam na araw na operasyon.
Sa 36 na operasyon naman kontra ilegal na sugal, umabot sa 80 katao ang nahuli at nakakumpiska naman ng bet money ng nagkakahalagang P13,543.
Anim (6) na katao naman ang nahuli dahil sa iligal na posesyon ng baril.
Sa kabilang banda, dalawang (2) mga baril ang naiturn-over ng mga gun owners for safekeeping sa kapulisan habang inaayos ang renewal ng mga lisensya nito.
“Seryoso po ang inyong kapulisan sa pagtugis sa anumang uri ng gawain na labag sa batas. Kung kayo po ay may impormasyon hinggil dito ay ipagbigay alam lamang po ninyo sa mga awtoridad upang mapagtulungan po nating maging ligtas atmapayapa ang ating komunidad,” saad pa ni Cansilao. (Ogima)
