Pinarangalan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) si Michael R. Gallego bilang Makata ng Taon 2025 sa prestihiyosong Talaang Ginto, isang taunang patimpalak sa pagsulat ng tula. Ginawaran si Gallego dahil sa kanyang natatanging akda na “Áral mulâ kay Aran,” at tumanggap ng PHP30,000.00, tropeo, at medalya.
Kasama ni Gallego sa listahan ng mga nagwagi sina Romeo C. Morales, na tumanggap ng Ikalawang Gantimpala para sa tulang “Henosidyo sa Lahì ni Katóto” at nakatanggap ng PHP20,000.00 at plake; at Allan Paolo Miguel G. Tiausas, na tumanggap ng Ikatlong Gantimpala para sa “Filipino Zero, Isang Antiepiko,” na may kalakip na PHP15,000.00 at plake.
Si Gallego ay kilalang makata sa wikang Filipino at Ilokano na tubong San Ildefonso, Ilocos Sur. Kasalukuyan siyang manunulat sa magasing Bannawag, at may mga akdang nailathala sa iba’t ibang antolohiya, journal, at zine. Kabilang sa kaniyang mga aklat ang Dayawen (2016), Planetarium: Dandaniw (2024), at Lirikal/Naindaniwán Nga Ayát (2024).
Naging writing fellow si Gallego sa ilang prestihiyosong palihan gaya ng UP National Writers Workshop (2022), Ateneo National Writers Workshop (2017), at Palihang Rogelio Sicat (2015). Kinilala rin ang kaniyang mga tula sa Premyong LIRA 2024 at Gawad Bienvenido Lumbera National Literary Contest 2023. Isa siyang aktibong kasapi ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA).
Layunin ng Talaang Ginto: Makata ng Taón na palaganapin at paunlarin ang panulaang Filipino sa pamamagitan ng pagkilala sa mahuhusay na makata—bago man o beterano—na nagpapayaman sa sining ng tulâ sa bansa.