Patuloy na pinapasaya at pinapakilig nina Bea Binene at Wilbert Ross ang kanilang mga tagahanga sa bawat proyektong kanilang pinagsasamahan. Sa tuwing magkasama sila sa screen, hindi maikakaila ang kanilang natural na chemistry na siyang dahilan kung bakit patuloy na lumalawak ang kanilang loyal fanbase na mas kilala bilang WilBea.
Matapos ang matagumpay na pagtanggap ng publiko sa kanilang tambalan sa Golden Scenery of Tomorrow, muli silang magsasama sa pinakabagong romantic-comedy series ng Viva One na Love U Lots, na mapapanood simula Hulyo 24.

Binubuo ng walong episodes, tampok sa serye ang isang makabagbag-damdaming kuwento ng pag-ibig na umiikot sa pagtanggap, pag-unawa, at walang kondisyong pagmamahal.
Sa serye, bibigyang-buhay ni Bea ang karakter ni Ysa, isang talentadong pintor na may Dissociative Identity Disorder (DID). Sa kabila ng kanyang pinagdaraanan, patuloy niyang hinahanap ang kapayapaan at pagtanggap sa kanyang sarili. Samantala, si Wilbert naman ay gaganap bilang Estong, isang mabait at mapagmahal na binata na nawalan ng direksyon sa buhay matapos ang isang matinding kabiguan. Ang kanilang hindi inaasahang pagtatagpo ang magsisilbing simula ng isang paglalakbay na puno ng pag-ibig, paghilom, at pag-asa.

Agad namang naging usap-usapan ang inilabas na teaser ng Love U Lots, kung saan marami ang nagpahayag ng pananabik na muling mapanood ang tambalang WilBea. Inaasahan ng kanilang mga tagahanga ang panibagong kuwento na maghahatid ng kilig, tawanan, at emosyon.
Mapapanood ang Love U Lots simula Hulyo 24 sa Viva One, na may bagong episode tuwing Biyernes. Sa kakaibang konsepto, mahuhusay na cast, at subok na chemistry nina Bea Binene at Wilbert Ross, inaasahang magiging isa ito sa mga pinakaaabangang romantic-comedy series ngayong taon. Para sa mga tagahanga ng WilBea, isa na naman itong magandang dahilan upang muling umibig at kiligin sa kanilang paboritong love team (Rodel Fernando)
