MANILA — Inaasahang maglalabas na ng desisyon anumang oras mula ngayon ang Office of the Ombudsman (OMB) kaugnay ng ibat-ibang kasong katiwalaan na kinasasangkutan ni Cabuyao City Mayor Dennis Hain sa lalawigan ng Laguna.
Kaugnay nito ay nagpahayag naman ng pananabik ang mga mamamayan ng lungsod sa magiging resulta ng mga kaso ni Hain, upang anila ay matuldukan na ang kontrobersiya at kalituhang bumabalot dito.
“Sana naman po ay maglabas na ng desisyon ang Ombudsman na pabor para sa kagalingan at kabutihan ng ating lungsod, at mapangibabaw ang katotohanan at katarungan,” ani Wenceslao Madrid, 58, na isang factory worker.
Sinabi naman ni Melinda Buenaceso, 35, housewife, na sana ay tapusin na ng OMB ang aniya ay “paghahari-harian ni Hain at ng mga kaalyado niya sa kanilang lugar”.
Ani Melinda: “Sobrang palpak po ang pamamahala niya, walang katapusang trapik, baha at di maayos na serbisyo sa public hospital. Ang dami na namang mga kaguluhang nangyayari dito sa Cabuyao City, pati mga drug pusher naglipana na rin kung saan-saan.”
Matatandaan na una nang ibinunyag ni Vice Mayor Leif Opina sa isang press conference ang aniya ay lantarang paglabag sa batas na estilo ng pamamahala ni Hain sa kanilang lungsod.
Ginawa niyang ilan sa mga halimbawa ang aniya ay iligal na pagpasa ng P3.302 -B budget ng kanilang lungsod para sa 2025, at ang umano’y maanomalyang pag-apruba ng aabot sa P4-B utang mula sa Development Bank of the Philippines (DBP).
Iba’t-ibang kaso
Nauna rito ay sinampahan nang ibat-ibang kaso si Hain sa OMB ni Opina at maging ng ilang concerned residents sa lungsod,
Ang ilan sa mga kasong kinakaharap ni Hain ay isinampa ng residenteng si Josefino G. Caringal ay paglabag sa Section 305 paragraph III ng RA 7160 ng Konstitusyon sa tinatawag na “Fundamental Principles Governing Financial Affairs, Transactions and Operations of Local Government Units.
May kaugnayan ito sa kautusan ni Hain na maningil ng mga bayarin at magbenta ng gamot sa mga pasyente ang Ospital ng Cabuyao (ONC) na isang pampublikong pagamutan na pinatatakbo ng pamahalaang lungsod.
Dahil dito ay hiniling ni Caringal sa Ombudsman na patawan ng karampatang suspension order si Hain sa kanyang kapasidad bilang chairperson ng Board of Trustees ng nasabing pampublikong pagamutan.
Isang motion for reconsideration naman ang inihaing apela ng kampo ni Hain kaugnay sa kaso.
Isa pang kaso na may case number OMB-L-C-JUN-23-0109 para sa paglabag ng Sections 3 (e) at 3(i) ng R.A. No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act para sa dishonesty and grave misconduct ang isinampa rin ni Caringal laban kay Hain at iba pang mga miyembro ng city council.
Ito ay may kaugnayan sa maanomalyang pagbili ng mga materyales at supply para sa Neon Night Run Activity na ginanap noong Agosto 29, 2022.
Subalit ang bidding umano para sa supply ng mga materyales at serbisyo para sa nasabing programa ay ginanap noong Setembre 11, 2022, o dalawang linggo matapos ang aktibidad.
Para kay Caringal ay maliwanag aniya itong paglabag sa itinatakda ng batas at panloloko sa taumbayan.
Maging si Vice Mayor Opina ay nagsampa rin ng kaso laban kay Hain sa Ombudsman na kinabibilangan ng ‘oppression’.
Ito ay dahil na rin sa pagkakait sa kanya ng karapatan na magampanan ng maayos ang kanyang tungkulin bilang bise-alkalde ng lungsod, at pagbawi ng naaayong pondo para mapatakbo ang kaniyang tanggapan at mapasuweldo ang kanilang mga empleyado.
Kinastigo ni Gov Hernandez
Una nang kinastigo ni Gobernador Ramil Hernandez si Hain matapos maisapubliko ang liham niya para sa mga kasapi ng Sangguniang Panglungsod na may petsang Oktobre 22, 2024.
Sa liham ay pinagsabihan ni Hernandez si Hain at ang city council na sumunod sa iniaatas ng batas, kaugnay sa kuwestiyonableng pagpasa ng P3,302,726,464 pondo ng lungsod para sa taong 2025.
Binigyang diin ni Gob. Hernandez sa kanyang liham na hindi naaayon sa Local Government Code of 1991 at iba pang umiiral na batas ang ginawa ng city council na pagpasa ng pondo na hindi dumaaan sa tamang proseso at deliberasyon.
Ang pagkastigo ni Gov. Hernandez ay base na rin sa sulat na ipinadala sa kanya ni SP Secretary Atty. Venus C. Velasco, MPAf, na naglalahad ng ilang tahasang paglabag ng konseho sa pagpasa ng nasabing pondo.
“Please be reminded that as Members of the Honorable August Body of the Sangguniang Panlungsod of the City of Cabuyao, you are mandated to comply with the provisions of the Local Government Code of 1991 relative to the Preparation of 2025 Annual Budget and its subsequent approval,” pagdidiin ni Gob. Hernandez sa kanyang liham.
Sa ulat ni SP Secretary Velasco na pinatotohanan at sinang-ayunan ni Vice Mayor Opiña, sinabi niya na nangyari ang puwersahang pagpasa ng budget sa isang sesyon na ginawa noong Octobre 15, 2024. ia/