
May tensyon sa pagitan ng singer na si Jojo Mendrez at entertainment host na si Ronald Carballo matapos humiling si Mendrez na huwag ipalabas ang kanyang interbyu sa show ni Carballo na DIREKwentuhan.
Ayon sa kampo ni Mendrez, naging personal at sensitibo ang ilang bahagi ng interbyu na tumalakay sa kanyang pribadong buhay at pagkatao, na nagdulot ng pagkabahala sa aktor.
Binanggit din ng singer ang ilang pahayag tungkol kay Mark Herras na maaaring maling maipakahulugan at magkaroon ng negatibong impresyon sa publiko. Dahil dito, hiniling niya na itigil ang pagpapalabas upang maiwasan ang posibleng kontrobersiya.

Inihayag ni Mendrez na nadala siya ng “marubdob na emosyon” habang sumasagot at nais niyang magkaroon ng pagkakataong ayusin at protektahan ang kanyang pangalan bago lumabas ang interbyu.
Sa kabila ng kahilingan ng singer, nagpahayag si Carballo na tuloy pa rin ang pagpapalabas ng panayam, na nagbunsod kay Mendrez na kumonsulta sa kanyang mga abogado para alamin ang posibleng legal na hakbang. Ayon sa kampo, karapatan niya ang protektahan ang kanyang reputasyon at tiyakin na walang pahayag na makakasira sa ibang personalidad.
Sa ngayon, wala pang opisyal na tugon mula kay Carballo, habang patuloy na inaabangan ng publiko kung paano haharapin ng magkabilang panig ang kontrobersyal na interbyu.
