Isinusulong ni Senador Raffy Tulfo ang paggamit ng Health Rating System sa labels ng mga packaged food products, bilang karagdagan sa standard nutritional facts label.
Sa paghain ng Senate Bill (SB) No. 1684, binigyang-diin ng senador na mahalagang magkaroon ng sapat na impormasyon ang mga mamimili tungkol sa mga pagkaing binibili nila para maiwasan din ang mga nakamamatay na sakit.
Ayon sa Department of Health (DOH), pangunahing sanhi ng kamatayan sa Pilipinas ay ang mga sakit sa puso, vascular system, respiratory system, kasama ang mga malignant cancer at diabetes.
Sinusukat ng Health Rating System ang pangkalahatang nutritional profile ng mga packaged food products mula sa “1” (least nutritious) hanggang “5” (most nutritious).
Ang nasabing rating system ay kinakalkula batay sa kabuoang energy o kilojoules, saturated fat, sodium, sugar content at fiber. Ang Health Rating System ay ilalagay sa harap ng nakabalot na produkto ng pagkain.
